Ama, Hiniling sa 2 Anak na Na-recruit ng NPA na Sumuko na sa Gobyerno

Cauayan City, Isabela- Nananawagan ang isang ama sa kanyang dalawang mga anak na sumapi sa rebeldeng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na magbalik-loob na sa pamahalaan.

Naglakas-loob na humarap sa mga mamamahayag si Ginoong Joel Fernandez, residente sa Barangay Abariongan Uneg, Sto. Niño, Cagayan sa isinagawang pulong balitaan sa Lal-lo, Cagayan upang manawagan sa kanyang mga anak na talikuran na ang rebeldeng CPP-NPA.

Base sa kanyang kwento, magkasunod na sumampa sa teroristang grupo ang kanyang mga anak na sina Erning Fernandez alyas Ronron na pumasok sa kilusan noong 2013 at Darwin Fernandez alyas Hapon na narekrut naman noong taong 2015.


Mayroong mataas na posisyon ang magkapatid sa West Front Committee ng Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.

Ibinahagi rin ni Ginoong Fernandez na nahihirapan siya sa kanyang kasalukuyang sitwasyon dahil sa kanyang katandaan at hindi na rin kayang pag-aralin ang kanyang mga apo na naiwan sa kanyang poder.

Nakikiusap ito sa kanyang dalawang anak na sumuko at bumalik na sa kanilang pamilya upang maipagpatuloy na masuportahan at mapag-aral ang mga iniwang anak.

Umapela rin si Ginoong Fernandez sa mga rebeldeng CPP-NPA na itigil na ang pagre-rekrut na nakakasira pa sa pamilya.

Siniguro naman ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army na gagawin ng kasundaluhan ang kanilang makakaya upang mailigtas mula sa kamay ng mga rebeldeng CPP-NPA ang mga anak ni Ginoong Fernandez ganun na rin ang iba pa nilang mga nalinlang na kasapi ng rebeldeng kilusan.

Facebook Comments