Ama na Nanggahasa ng Menor de Edad na Anak, Arestado sa Nueva Vizcaya

Cauayan City, Isabela- Tuluyan ng naaresto ang isang 50-anyos na ama at itinuturing na Top 5 Most Wanted Person-Regional Level ng Women and Children Protection Desk sa bayan ng Bambang dahil sa kasong panggagahasa sa kanyang sariling anak.

Una rito, nagsagawa ng manhunt operation ang pinagsanib na pwersa ng Bambang Police Station, 2nd Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company (NVPMFC), Provincial Intelligence Branch (PIB), NVPPO at CIDG, NVPSU kung saan ay matagumpay na nadakip ang suspek na kinilalang si Diosdado Telan, may asawa, walang trabaho at residente ng Barangay Macate, Bambang, Nueva Vizcaya.

Batay sa ulat ng Nueva Vizcaya Police Office, isinilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Paul R. Attolba, Jr. ng Regional Trial Court Branch 30, sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya noong Hunyo 15, 2021 para sa kasong four (4) counts ng Rape at two (2) counts ng Rape by sexual assault na walang karampatang piyansa para sa pansamantalang paglaya.


Base sa salaysay ng biktima, nagsimula ang panghahalay ng kanyang ama noong siya ay labing anim na taong gulang pa lamang kung saan paulit-ulit na panggagahasa at pangmomolestiya ang inabot nito sa sariling ama.

Dagdag pa ng biktima, anim silang magkakapatid ngunit tatlo na lamang silang naninirahan sa puder ng kanyang ama kung saan mag isa syang babae na naiwan dahil sa may sariling pamilya na rin ang iba sa kanyang mga kapatid habang ang kanilang ina ay may ibang pamilya na ring inuuwian.

Mariing namang itinatangi ng suspek ang paratang sa kanya at sinasabing gumagawa lang ng kwento ang kanyang anak.

Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga na ng Bambang Police Station ang naarestong suspek para sa kaukulang disposisyon bago ilipat sa court of origin.

Facebook Comments