Patay matapos pagbabarilin ng motorcycle riding-in-tandem sa Lamitan City sa Basilan ang ama ng suspek sa Ateneo de Manila University shooting incident.
Sa interview ng RMN Manila, kinilala ni Lamitan City Police Chief Police Lieutenant Colonel Tadzhabel Managola, ang biktima na si Rolando Yumol, isang retiradong pulis at ama ni Dr. Chao Tiao Yumol, ang suspek sa pamamaril at pagpatay kay dating Lamitan City Mayor Rose Furigay, aide nito at isang security guard ng Ateneo de Manila University.
Ayon kay Managola, magwawalis sana sa labas ng kanilang bahay ang biktima nang pagbabarilin ito ng dalawang suspek na armado ng 45 calibre pistol bandang alas-6:55 ng umaga.
Naitakbo pa sa ospital ang matandang Yumol pero idineklara din itong dead on arrival dahil sa apat na tama ng baril sa likuran.
Sinabi naman ni Managola na may nakuhang 0.45 kalibreng baril sa biktima.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) sa insidente.
Ang pagkakapatay sa matandang Yumol ay naganap ilang araw matapos ang pagpatay ni Dr. Chao Tiao Yumol kay dating Lamitan City Mayor Rose Furigay at dalawang iba pa sa July 24 shooting incident sa Ateneo sa Quezon City.
Sa insidente, nasugatan din ang anak ni Furigay na si Hanna.
Sa ngayon ay nakakulong na at sinampahan na ng patong-patong na kaso si Dr. Chao Tiao Yumol.