Amaing minolestya umano ang kaniyang sariling anak, arestado sa Caloocan

Nahulog sa mga kamay ng Manila Police District (MPD) Barbosa Station, katuwang ang operatiba ng iba’t ibang unit ng Philippine National Police (PNP), ang isang lalaking vendor matapos ang mahigit dalawang taong pagtatago sa maynila.

Kinilala ang suspek sa alyas ‘Ronnie’, 43-anyos na tinaguriang top 8 most wanted person ng Cebu Police Provincial Office.

Nahuli ang suspek sa Union Village Emerald Street, Caloocan City matapos ihain ang warrant of arrest nito na inisyu ng Oslob Cebu Regional Trial Court (RTC).

Ayon sa pulisya, nag-ugat ang kaso matapos umano molestiyahin ng suspek ang 15-anyos nitong anak.

Napag-alaman din sa imbestigasyon na naka-inom ang suspek nang ginawa ang krimen.

Dahil dito, nagsumbong ang anak ng suspek sa lola nito na naging daan para malaman ng ina ng biktima at tuluyang nagsampa ng kaso.

Depensa ng akusado na hindi niya minolestiya ang kaniyang menor de edad na anak.

Kasalukuyang nanatili ang suspek sa kustodiya na ng Barbosa Police Station at mahaharp sa kasong sexual assault na may kaugnayan sa RA 7610 at may P180,000 na inirekomendang piyansa.

Facebook Comments