Ipinagbawal na sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at mga miyembro nito ang pag-eere o pagpapatugtog sa telebisyon at radyo ng kantang “Amatz” ng rapper na si Shanti Dope.
Inilabas ng National Telecommunications Commission (NTC) ang kautusan nitong June 7, kasunod ng protesta ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakasaad sa direktiba ang pagsunod sa Article 15, Section 4 ng Broadcaster’s Code of the Philippines na nagbabawal sa pagpapatugtog ng mga kantang may lyrics o mensahe na “vulgar, indecent, promote substance abuse, gender discrimination, racism, satanism, violence or sexual perversion, or demeans any member of any sector.”
Matatandaang sumulat si PDEA chief Aaron Aquino sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM), at broadcast-giant ABS-CBN na ipatigil ang pag-ere ng kanta at music video nito.
Basahin: PDEA, nais i-ban ang ‘Amatz’ ni Shanti Dope
Ayon kay Aquino, hinihikayat ng kanta ang paggamit ng iligal na droga partikular sa mga linyang “Lakas ng amats ko, sobrang natural, walang halong kemikal” at “Ito hinangad ko lipadin ay mataas pa, sa kaya ipadama sa’yo ng gramo, ‘di bale nang musika ikamatay.”
Nauna nang iginiit ng management ng rapper na hindi droga ang tinutukoy sa nasabing lyrics kundi ang “natural high” sa paggawa ng musika o kanta.
Pinuri naman ng anti-drug agency ang direktiba ng NTC.