Ambag ng BSP sa panukalang MWF, tinatalakay ngayon ng House Committee on Appropriations

Tinatalakay ngayon ng House Committee on Appropriations na pinamumunuan ni Marikina Representative Stella Quimbo ang panukalang Maharlika Wealth Fund o MWF.

Tutok ng pagdinig kung magkano na ang magiging pinal na halaga ng start up fund ng MWF.

Ito ay matapos alisin ang Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) na kasama sa mag-aambag sa pagsisimula ng MWF.


Ipapalit sa investible funds ng GSIS at SSS ang profit mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa pagdinig ngayon ay tiniyak ni BSP Deputy Gov. Francisco Dakila Jr., na handang pondohan ng BSP ang initial funding ng MWF na magmumula sa 100% ng kanilang dibidendo.

Pero apela ni Dakila, oras na mabayaran ng buo ang seed fund, ay hatiin na sa mga susunod na taon ang pupuntahan ng dibidendo kung saan ang kalahati ay para sa MWF at ang kalahati sa kanilang capitalization.

Sa hearing ngayon ay muli ring nagpahayag ng tiyak na suporta sa panukalang MWF ang Department of Budget and Management, Department of Finance gayundin ang Development Bank of the Philippines.

Sinabi naman ni Quimbo na paplantsahin nilang mabuti ang panukalang MWF at titingnan kung ano ang mga dapat baguhin para mapahusay pa ito at matugunan ang mga agam-agam dito.

Facebook Comments