Cauayan City, Isabela- Kinikilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang ambag ng lahat ng mga frontliners na siyang patuloy na humaharap upang labanan ang banta ng COVID-19 Pandemic.
Ito ay batay sa ipinasa na resolusyon bilang 2020-15-1 na inihain ni Isabela Vice Governor Faustino ‘Bojie’ Dy III.
Ayon kay Dy, ito ay bahagi ng paggunita ng ika-164 na anibersaryo ng pagkakatatag ng probinsya.
Dagdag niya, taus-puso ang pasasalamat ng Isabeleño sa mga tinaguriang bayani ng bayan dahil sa kanilang patuloy na pakikipaglaban upang wakasan ang sakit na dala ng virus sa maraming Pilipino.
Kabilang sa mga binibigyang pugay ang mga Medical Frontliner; Magsasaka, Men in Uniform; Kawani ng Barangay at maging empleyado ng pribadong sektor dahil sa kanilang serbisyo publiko sa gitna ng pandemya.
Una nang nagkaloob ng konting ayuda ang lalawigan sa mga tanod ng barangay bilang isa sila sa mga patuloy na nakikipaglaban para matiyak ang hindi pagkalat ng nakamamatay na sakit.
Samantala, kinilala din ng lalawigan ang galling ng mga Isabeleño matapos makapasa sa 2019 Bar Examination bilang abogado.