Ambagan ng magkakapitbahay para sa cash aid, nauwi sa pananaksak

FILE PHOTO

Nauwi sa saksakan ang hatian sana ng ayuda ng ilang magkakapitbahay sa Barangay Sto. Niño, Parañaque City noong Biyernes.

Batay sa imbestigasyon, nagkasundo ang bawat benepisyaryo roon ng Social Amelioration Program (SAP) na mag-aambag ng P1,300 upang mabigyan ng tulong pinansyal ang mga walang nakuha.

Subalit bigla raw nagbago ang isip ng suspek na si Peter Tolentino nang singilin na siya, dahilan para awayin at saksakin niya ang kolektor ng kontribusyon na kinilalang si Leo Lubiano.


Umawat sa gulo ang tatay ni Leo na si Arnel na nagtamo rin ng dalawang saksak.

Naisugod naman agad sa pagamutan ang mag-amang biktima matapos saklolohan ng mga kabarangay na parehong nagpapagaling.

Lasing din si Tolentino nang isagawa ang krimen, ayon sa paunang pagsisiyasat.

Nasa kostudiya ngayon ng Parañaque Police ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban dito.

Facebook Comments