Ibinalita ni Philippine Ambassador to Canada Rodolfo Robles na nagpalista na rin ang Pilipinas sa mga bansa na handang tumanggap ng sobrang COVID-19 vaccine mula sa Canada.
Ayon kay Robles, nasa 180 million ang nakontrata ng Canada na COVID-19 vaccine para sa kanilang 40 million na populasyon.
Inaasahan aniya nila na magiging fully vaccinated ang kanilang populasyon sa 4th quarter ng 2021, kaya’t bago matapos ang taong ito ay matutukoy na kung ilang doses ng bakuna ang maipamamahagi ng Canada sa ibang mga bansa.
Samantala, sa usapin naman ng pagma-manufacture ng bakuna, nitong Enero pa lamang ay nakipag-ugnayan na si Robles sa Quebec-based company na Medicago.
Noong nagkaroon kasi aniya ng delay sa delivery ng bakuna sa Canada, pinondohan ng kanilang pamahalaan ang Medicago upang magsagawa ng sarili nilang pag-aaral.
Sa kasalukuyan aniya ay nire-review pa ng Department of Science and Technology (DOST) maging ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga dokumento para dito at sa oras na maaprubahan naman ito ng pamahalaan ng bansa, magiging mabilis na lamang ang pagproseso ng posibleng joint venture na ito ng Pilipinas at Canada.