Cauayan City, Isabela- Hindi na umabot sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang isang ambulansiya na maghahatid sana ng pasyente sa naturang ospital nang aksidenteng mahulog sa bangin sa Sitio Assao Barangay Bitag Grande, Baggao Cagayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt. Rey Viernes, hepe ng Baggao Police Station, dakong alas 7:15 kagabi nang mangyari ang insidente kung saan bumabaybay sa palusong na bahagi ng daan ang ambulansyang may conduction sticker number OW-4214 na minamaneho ni Jeric Siason, 24 anyos, residente ng Barangay Cataruan Dalaoig, Alcala, Cagayan sakay ang isang nurse na si Marjorie Magulod, 29 anyos ng Baggao, Cagayan at mag-asawang sina Violet Dumayag, 50 anyos; Alvaro Dumayag (patient), 52 anyos, kapwa residente ng Barangay Hacienda-Intal, Baggao, Cagayan.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, pinagbigyan ng drayber ang isang pedestrian na tatawid subalit dahil sa madulas at maputik na daan sanhi ng pag-uulan ay hindi nakontrol ng drayber ang manibela hanggang sa dumausdos pababa at tuluyang nahulog sa bangin na may sampung (10) talampakan ang lalim.
Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang apat na sakay ng ambulansya na agad namang nirespondehan ng rescue ng LGU.
Ayon pa kay PCapt. Viernes, isusugod sana sa CVMC si Alvaro Dumayag matapos na tangkaing magpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng isang bote ng varnish nang mangyari ang insidente.
Kasalukuyang nagpapagaling sa CVMC ang mag-asawa na nagtamo ng sugat sa kanilang ulo at katawan matapos na dalhin ng rescue ng Baggao.