AMBUSH | Itinuturong mastermind sa pagpatay kay Gen. Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote, nagpahiwatig ng pagsuko

Manila, Philippines – Nagpahiwatig na ng pagsuko ang itinuturong mastermind sa pagpaslang kay General Tinio Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.

Sa interview ng RMN DZXL Manila kay PNP Region 3 Regional Director Chief Superintendent Amador Corpuz, nagpadala na ng surrender feelers ang umano ay utak sa krimen na si Christian Saquilabon.

Ayon kay Corpuz, si Saquilabon ay isang business contractor sa Nueva Ecija.


Nanalo aniya ito sa bidding process para sa P96 million na Minalungao tourism convergence zone na ginigipit umano ni Mayor Bote.

Sinabi ni Corpuz, base sa isinagawang forensic exam nakumpirmang ang baril na nakuha kina Florencio Suarez at isa pang suspek na si Robertlyn Gumatay ay ang baril na ginamit sa pagpatay kay Mayor Bote.

Bukod kina Suarez at Gumatay ay kusang loob na sumuko ang isa pang suspek na si Arnold Gamboa na nagsilbing driver nang isagawa ang krimen.

Habang pinaghahanap pa ang isang Jun Fajardo, at dalawang hindi pa binanggit ang pangalan.

Facebook Comments