Manila, Philippines – Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang Amerikano na wanted sa Amerika matapos matagpuan sa lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ang dayuhan na si Ronald Omar Pelletier, 70 anyos, isang wanted pedophile at wanted ng Federal Authorities sa Florida, USA.
Ayon sa report ng Fugitive Search Unit ng Bureau of Immigration (BI), nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago si Pelletier sa Josefa Subdivision Brgy. Malabanias, Angeles City kung kayat agad na nagsagawa ng operasyon ang BI na nagresulta sa pagkakaareato ng dayuhan.
Ayon naman kay BI Commissioner Jaime Morente may warrant of arrest na inilabas ang US District Court sa Florida laban kay Pelletier matapos na labagin nito ang kanyang parole nang hindi ipaalam ang pinagtataguan nito.
Base sa record ng BI dumating sa bansa si Pelletier noong Mayo 20 ng kasalukuyang taon at mula nito ay hindi na muli pang nagpakita.
Una nang hinatulan ang naturang dayuhan ng US Florida Court ng 18 buwang pagkakabilanggo at limang taong supervised release kasunod ng hatol dahil sa pagkakaroon ng child pornography noong Setyembre 21 ng nakaraang taon at pinagmulta ng 10 libong dolyar.