Patuloy na makaaapekto sa Luzon ang Northeast Monsoon o Hanging Amihan habang shear line ang magdadala ng mga pag-ulan sa Visayas at Mindanao ngayong araw.
Ayon sa PAGASA-DOST, makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms ang Eastern Visayas, Caraga at Davao Oriental bunsod ng shear line o ang pagsasalubong ng malamig at mainit na hangin.
Amihan naman ang magpapa-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Bicol Region, Aurora, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, at Romblon.
Habang bahagyang maulap na may kasamang mahihinang pag-ulan ang iiral sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon dahil pa rin sa Amihan.
Pinaalalahanan naman ng PAGASA ang publiko na maging alerto sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing may kalakasan ang mga pag-ulan.