Aminado si House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers na mahirap patunayan na droga ang laman ng apat na magnetic lifters na nakumpiska sa Cavite na aabot ng P6.8 billion.
Ayon kay Barbers, kung wala ang body of crime o ang mismong droga na sinasabing laman ng magnetic lifters ay mahirap aniyang patunayan ito.
Sinabi pa ng kongresista na kahit pa itinuturo ng mga sirkumstansya na iligal na droga ang laman ng mga lifters, nananatili ang kanilang paninindigan na dapat may physical evidence ng droga.
Dahil dito, pinakikilos ng komite ang PDEA na magsagawa ng follow up operations para habulin at matukoy kung droga talaga ang nilalaman ng magnetic lifters.
Sakaling mapatunayan na droga ang laman ng mga magnetic lifters, mas lalo pa aniyang lalaliman ng komite ang imbestigasyon sa kung papaano nakalusot ang bulto-bultong at bilyong halaga ng iligal na droga.