Manila, Philippines – Kasabay ng muling paalala ng Catholic Bishop Conference of the Philippines na huwag tangkilikin ang serbisyo ng mga nagiikot na indibidwal sa mga sementeryo at nagpapanggap na mga pari kapalit ng bayad sa serbisyong kanilang iaalok sa publiko, inamin ngayon ni CBCP’s Episcopal Commission on the Laity Chairman Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, na mahirap mahuli ang mga ganitong modus.
Aniya, bukod kasi sa walang kaso ang maaaring maisampa sa mga nagpapanggap na pari, wala rin kasi silang kakayahan na bantayan ang mga sementeryo sa buong bansa lalo na ‘yung mga pampubliko.
Dagdag pa nito, mahigpit ang simbahan sa mga serbisyong ibinibigay ng mga pari.
Halimbawa sa Maynila, kung saan ang mga pari ay dapat munang makapagprisinta ng letters of authority mula sa isang obispo bago makapagdaos ng misa sa ibang diocese.
Kaya naman ayon kay Bishop Pabillo, ang tanging magagawa lamang nila sa ngayon ay paalalahanan ang publiko na huwag tangkilikin ang mga ito.