Manila, Philippines – Aminado si Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez na bukas sa anumang pang-aabuso ang party-list system sa bansa.
Pahayag ito ni Jimenez sa gitna ng pangamba na magamit ng ilang oportunista ang mga party-list para makapasok lamang sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Jimenez, sinasabi ng saligang batas na kailangang maging bukas ang political system sa bansa.
Dahil dito, nakikita niya na hindi malayong magkatotoo ang posibilidad na magamit talaga sa pang-aabuso ang political system sa bansa, partikular na sa party-list system.
Subalit tiniyak naman din ng tagapagsalita ng Comelec ang mahigpit nilang pagtupad sa batas na nagdidikta ng criteria sa kung sino ang maaring tumakbo at hindi.
Gayunman, sa huli, depende pa rin daw sa taumbayan na siyang pipili sa kung sino ang karapat-dapat na manalo sa halalan at kung sino ang hindi.