AMLC, pinag-iingat ang mga gumagamit ng digital platforms

Pinag-iingat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga gumagamit ng digital platforms partikular ang mga establisyimento na tumatanggap ng perang ipinapadala.

Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno na Chairman din ng AMLC, posibleng magamit sila ng mga nananamantala tulad na lamang ng mga money launderers kung saan napansin ng kanilang ahensiya na tumaas ang bilang ng mga Suspicious Transaction Reports (STRs) na may kaugnayan sa online activities.

Aniya, ilang kahina-hinalang transaksyon ang kanilang naitala simula noong January 1 hanggang August 31, 2020 kasabay ng mga buwan kung kailan ipinapatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ), Modified ECQ, at General Community Quarantine (GCQ).


Aniya, nasa 57% ang naitalang mga suspicious transaction reports sa mga nasabing buwan kumpara noong nakaraang taon na nasa 29% lamang.

Bukod dito, inulat din ng AMLC ang ilang mga illegal na aktibidad tulad ng mga iligal na paghihingi ng donasyon via online na nagpapakilalang mga tauhan ng gobyerno gayundin ang ilang mga panloloko gamit ang Bitcoin.

Kaugnay nito, pinag-iingat ng AMLC ang mga online fund transfer service providers partikular ang mga pawnshops, bangko, money transfer na siguraduhin ang pagkakakilanlan ng kanilang mga customer upang hindi masangkot sa money laundering.

Facebook Comments