Tila malabo makapaglabas ng arrest warrant at hold departure order (HDO) ang Makati City Regional Trial Court Branch 150 laban kay Senator Antonio Trillanes IV.
Ayon sa source posibleng hintayin muna ni Judge Elmo Alameda ang magiging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa inihaing mosyon ni Senator Trillanes na humihiling na ibasura ang Presidential Proclamation 572 na nagpapawalang bisa sa iginawad na amnestiya sa senador.
Maliban dito marami ding naka-schedule na pagdinig ngayong araw si Judge Alameda kung kaya at tila malabo nitong mapag-aralan ang mosyon ng DOJ na humihiling na arestuhin si Senator Trillanes.
Una nang sinabi ni Clerk of Court Atty. Diosfa Valencia na kinakailangan muna nilang i-retrieve ang records ni Senator Trillanes mula sa kanilang lumang bodega na nasa Mayapis Makati.
Paliwanag nito may direktiba kasi ang SC na kapag higit sa 5 taon na ang nadesisyunang kaso ay kinakailangan na itong i-dispose.
Matatandaang ibinasura ni Judge Alameda ang kasong rebelyon na isinampa laban kay Senator Trillanes kaugnay ng Oakwood mutiny at Manila Peninsula seige noong September 7 2011 makaraang gawaran ng amnesty ang senador.