Manila, Philippines – Naghain sa Korte Suprema ang Office of the Solicitor General (OSG) ng 200 pahinang komento sa petisyon ni Senator Antonio Trillanes kontra sa Proclamation Number 572.
Hiniling din ng OSG na gawin nang permanente ang pagtanggi ng Supreme Court (SC) sa hiling na injunction sa pamamagitan ng pagbasura sa petisyon ni Trillanes.
Ayon sa OSG, inamin na mismo ng kampo ng senador sa pagdinig ng Makati Regional Trial Court Branch 148, noong September 13 na wala syang aplikasyon at walang pag-amin ng pagkakasala kaugnay ng mutiny at kudeta noong 2003 at 2007.
Anila, ang tanging isinumite anya ni Trillanes sa RTC ay kopya ng application form na wala namang laman.
Ipinunto rin ng Office of the Solicitor General (OSG) na mula noong September 3 nang manatili na sa Senado si Trillanes, wala sa listahan ng mga bisita ng Senado ang isang Atty. Jorvino Angel hanggang September 5 na siyang petsa na nakasaad na nanotaryohan ang petisyon ni Trillanes.
Si Atty. Jorvino Angel ang nakapirma sa notaryo ng petisyon na inihain ni Senador Trillanes sa Korte Suprema.
Kailangan kasi kapag nagpanotaryo, personal na panumpaan ng nagpapanotaryo sa harap ng abugado ang mga dokumento.