Amyenda sa economic provisions, malaki umano ang maitutulong sa Mindanao

Naniniwala ang Mindanao Development Authority (MinDA) na malaking tulong para sa ekonomiya ng Mindanao kung luluwag ang foreign investments ng bansa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, naitanong ni Committee Chairman Senator Robin Padilla sa MinDA kung may foreign investors ba sa Mindanao Region at kung ang pagpapasok ng mga foreign investor sa rehiyon ay magdudulot ba ng pagkalugi para sa mga lokal na mamumuhunan.

Ayon kay Atty. Kristine Mae Quibod-Lumanag, may mga foreign investor naman sa Mindanao, iyon lamang ay sa tuwing papasok sa kasunduan o partnership sa isang dayuhang korporasyon ay nagiging malaking hamon ang pag-i-invest nila sa bansa dahil sa economic restrictions sa mga dayuhan.


Sakali naman aniyang luwagan ang economic provisions ng Konstitusyon para sa mga dayuhang mamumuhunan, naniniwala ang MinDA na hindi ito nangangahulugan ng pagkalugi sa mga local investor.

Aniya pa, kung ito naman ay para sa pag-unlad ng lahat ng industriya lalo na sa Mindanao, tiyak na makakabuti ito at nakasisiguro naman na salig ito sa constitutional framework at sa batas ng bansa.

Sa ngayon aniya ay wala pang opisyal na posisyon ang MinDA pagdating sa isinusulong na panukalang ChaCha sa economic provisions dahil pag-aaralan pa nila kung ano ang naging epekto sa ekonomiya ng Mindanao ng mga bagong pasang batas pang-ekonomiya tulad ng Public Service Act, Foreign Investment Act, amyenda sa Retail Liberalization Act at CREATE Law.

Facebook Comments