Muling iginiit ng Makabayan Bloc ang pag-amyenda sa “partylist system” sa bansa.
Kasabay nito ang paggiit nila na hindi sila pabor na buwagin o alisin ang partylist system matapos ihayag ni Commission on Elections (COMELEC) Commissioner George Garcia na panahon nang ire-examine ang Partylist System Law.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate, matagal na nilang itinutulak ang amyenda sa nabanggit na batas lalo’t nakita nila na na-hijack na ito.
Ipinunto nito na karamihan sa mga naiproklamang nanalong partylist sa katatapos na 2022 elections ay mula sa malalaking political o economic interest groups at hindi galing sa mga marginalized o underrepresented sectors.
Umaasa naman si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na magkaroon ng malinaw na panuntunan sa isusulong na amyenda partikular sa kung ano ang marginalized at underrepresented, lalo’t sinasabing may mga “fly by night” na partylist groups na nabuo lamang dahil may back-up na politiko, may negosyo o kaya’y mga milyonaryo.