Anak ng 4P’s Member, Nakatanggap ng SAP Assistance!

Cauayan City, Isabela- Iniimbestigahan ngayon ng barangay council ang pagtanggap ng dalawang katao ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng DSWD.

Ayon kay Kagawad Joseph Cortez ng Barangay Mabini, ang mga magulang ng dalawang indibidwal na nakatanggap ng SAP ay miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Giit naman ni Ginoong Marvin, may sarili na itong pamilya at isa ang anak habang ang isa ay kasalukuyang apat na buwang buntis ang asawa.


Dagdag pa Marvin, nagastos na ang pera dahil kinailangan niyang bumili ng panggatas at mga pangangailangan ng kanyang anak.

Sinabi pa nito na pagiging construction worker lang ang kanyang pinagkukunan ng pang araw-araw para sa kanyang mag-iina kaya’t di nito inakala na makukuwestiyon ang pagtanggap nya ng ayuda.

Sa pakikipag-uusap naman ni Kag. Cortez sa kinatawan ng City Link ng DSWD sa Lungsod ng Santiago ay kinakailangan aniya na maibalik ang halagang P5,500 sa DSWD upang hindi na makasuhan ng kriminal ang mga ito at tuluyang maalis sa pagiging miyembro ng 4Ps ang kani-kanilang magulang.

Ayon naman sa anak ni Ginang Norlyn Villanueva, giit nya na marami rin ang tumanggap ng ayuda na pawang mga miyembro pa ng 4Ps ang kanilang magulang at kabilang din ang mga ito sa benepisyaryo nito kaya’t kwestiyonable din aniya ang pagtanggap ng mga ito.

Nakikipag-ugnayan naman ngayon si Kag. Cortez sa pamunuan ng City Social Welfare and Development para sa alternatibong aksyon at kahit papano ay matulungan pa rin ang mga higit na nangangailangan tulad ng mga ito.

Facebook Comments