Anak ng Isang Brgy. Kapitan sa Luna, Isabela, Sinaksak ng Kainuman!

*Luna, Isabela-* Inihahanda na ngayon ng PNP Luna ang kasong Frustrated Homicide laban kay Wilson Marcelo, bente nuebe anyos, binata, at residente ng brgy. Macugay, Luna, Isabela makaraang saksakin ang kanyang kainuman sa barangay. San Miguel, Luna Isabela.
Kinilala ang biktima na anak ng isang Brgy. Kapitan na si Jomar Miranduque, trentay singko anyos, isang helper at residente ng Brgy. Macugay , Luna, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Geriyell Frogoso, hepe ng PNP Luna, Isabela, ay nag-inuman umano ang suspek at ng biktima kasama ang isa pa na si Jayson Gumaru at makalipas ang ilang oras ay nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan nina Marcelo at Miranduque.

Akma na umanong aalis ang biktima nang biglang bumunot ng kutsilyo si Marcelo at isinaksak ng dalawang beses sa likod ni Miranduque na dahilan ng pagkabagsak nito.


Sinubukan pa umanong saksakin ng suspek ang biktima subalit agad ring bumunot ng kutsilyo ang biktima at isinaksak sa mukha ng suspek.

Sa ngayon ay kasalukuyan pang nagpapagaling sa pagamutran ang biktima habang ang suspek naman ay nasa kustodiya na ng PNP Luna na mahaharap sa kanyang kaukulang kaso.

Facebook Comments