Anakalusugan Rep. Mike Defensor, umapela sa DOH na huwag pagdiskitahan ang mga doktor na kasama sa ‘Community Pan-Three’

Nakiusap si Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor sa Department of Health (DOH) na huwag nang puntiryahin ang mga doktor na kasama sa pamamahagi ng Ivermectin sa isinagawang “Community Pan-Three” noong nakaraang linggo kasama si SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta.

Mababatid na naging kwestyunable ang prescription na ibinigay ng mga doktor sa mga beneficiaries kung saan ang reseta ay isinulat lamang sa isang punit na papel na walang pangalan ng doktor, walang license at PTR number.

Giit ni Defensor, tanggap niya ang mga pag-atake ng ilan laban sa kanya dahil sa Ivermectin ngunit huwag na aniyang idamay rito ang mga doktor.


Binigyang-diin ng kongresista na kung may pagkakamali man sa distribusyon sa beneficiaries ng Ivermectin ay sila ang papanagutin at huwag nang idawit ang mga doktor at iba pang medical practitioners na ang ginawa lang naman ay tumulong sa mga mahihirap na nangangailangan ng panlunas sa sakit na COVID-19.

Nauna na ring naglabas ng pahayag ang DOH na “invalid” ang prescription at ito ay ieendorso sa Professional Regulation Commission (PRC) para sa pagtukoy ng nararapat na parusa batay sa batas.

Maging ang Food and Drug Administration (FDA) ay pinag-aaralan na rin ang mga posibleng paglabag sa nasabing reseta.

Facebook Comments