“Ang Probinsyano” nasa hot seat ulit dahil sa ‘rape scene’ ng mga babaeng pulis

Image via ABS-CBN Ang Probinsyano page

“Below the belt” na para sa netizens ang isang eksena sa primetime series na “Ang Probinsyano” kung saan ipinakitang ‘ginagahasa’ ang dalawang babaeng pulis ng isang sindikatong pinangungunahan ng kontrabidang si Baron Geisler.

Sa episode ng “Ang Probinsyano” nitong Hulyo 15, mapapanood na dinala ni “Bungo”, karakter na ginagampanan ni Geisler, ang mga babaeng pulis sa kanilang “honeymoon hideout” habang umaawit ng wedding song ang mga sindikatong sangkot. Naging ‘mahalay’ din sa mga bihag ang iba pang miyembro ng grupo.

Dito sinugod ng operatiba ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group at Task Force Agila ang lugar na pinagtataguan ng grupo ni “Bungo”. Kabilang sa nasabing awtoridad ang bidang si Ricardo Dalisay, role ni Coco Martin.


Ang ‘kontrobersyal’ na eksena ay inupload din sa official Facebook page ng “Ang Probinsiyano”.

Halos mapuno ng negatibong reaksyon mula sa viewers ang comment section ng “Ang Probinsyano” FB page.

“Sa totoo lng nakakainis na panoorin at after this night hindi na ko manonood ng ang probinsyano magpalit na kayo ng mga WRITER.”

“Rape is a sensitive case nakakababa ng moralidad bilang lalaki at babae ang episodes niyo k baron geisler sana naging sensitive rin kayo sa mga rape victims no wonder kung sooner or later unti unti ng bababa ang ratings niyo.”

“Alam na alam nyong maraming bata ang nanonood at tumatangkilik sa inyo pero ang mga eksena nyo ay puro karahasan! Anong moral lesson ba gusto nyong ipromote dito? Pati image ng kapulisan, sinisira nyo dahil kakuparan at kawalan ng sapat na kakayahan ang ipinapakita nyo”

“Pinatay ko nlng tv sayang lng kuryente ang panget na storya ng ang probinsyano lalo ngaung gabi. Tapusin nio nlng hind mgandang pnapanuod ng bata”

Samantala, nakarating na rin ang reklamo ng ilang social media users sa PNP.

Ayon kay acting spokerperson Police Lieutenant Col. Kimberly Molitas, rerepasuhin ng pamunuan ang pinirmahang Me­morandum of Understanding (MOU) ng isa sa mga staff “Ang Probinsyano”.

Nakalagay sa MOU na hindi wawasakin ng patok na soap-opera ang imahe at reputasyon ng kapulisan. Kapag muling napatunayan na may polisiyang nilabag, maaring bawiin ang kasunduang nabanggit.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang production team ng “Ang Probinsyano” ukol sa isyung kumakalat.

Facebook Comments