Angara: Promotional video ng DOT para sa bagong slogan na “Love the Philippines,” parang nalugi ang gobyerno 

“Parang nalugi ang gobyerno.”

Ito ang sentimyento ni Senator Sonny Angara kaugnay na rin sa inilabas ng Department of Tourism (DOT) na kontrobersyal na ‘promotional video’ para sa bagong campaign slogan na “Love the Philippines” na karamihan pala ay hindi kuha sa Pilipinas at hinugot lamang sa mga stock footage ng isang video creation platform.

Sinabi ni Senator Angara na mistulang nalugi ang pamahalaan sa campaign video na ito lalo’t naunang iniulat na aabot sa ₱49 million ang ginastos ng DOT para sa bagong tourism slogan na “Love the Philippines”.


Pinayuhan ng senador ang ahensya na ang pinakamainam na gawin ay gumawa na lamang ulit ng bagong campaign video.

Iginiit pa nito na dapat ay may kaunting pride man lang tayo sa ating trabaho lalo na kung ang gusto nating gawin ay maipagmalaki at maibenta ang Pilipinas sa mga turista.

Nauna namang humingi ng paumanhin ang DDB Philippines, ang agency na gumawa at naghanda ng nasabing audio visual presentation at sila rin ay nakikipag-ugnayan na sa imbestigasyon ng DOT tungkol sa isyu.

Facebook Comments