Pagpapabuti sa buhay ng mga Pilipino ang prayoridad ni Vice President Leni Robredo kapag nanalong presidente sa darating na eleksyon sa Mayo.
Sa unang isang daang araw ni Robredo bilang pangulo, “Anga Agad” ang target gawin ng kanyang administrasyon sa buong bansa, iaangat ang pamumuhay, iaangat ang kalusugan at iaangat ang kalidad ng edukasyon.
Sa pag-angat ng kabuhayan ng mga Pilipino, sisiguraduhin ni Robredo na may disente at marangal na trabaho ang kahit isa sa kada pamilya na kayang sumuporta sa disenteng pamumuhay ng kanyang pamilya.
“Trabahong marangal, na mag-aangat ng dignidad ng bawat Pilipino. May sasahod sa bawat Pamilya; ang mawawalan po ng trabaho na hindi niya kasalanan, tatlong buwang may ayuda. Kung pagsapit ng ikatlong buwan, di pa rin nakakahanap ng bagong trabaho, gobyerno mismo ang magbibigay ng trabaho para sa iyo,” bahagi ng mensahe ni Robredo sa Iloilo grand rally.
Mahalaga rin kay Robredo na maiangat ang kalusugan ng mga mahihirap, ang sektor ng mga maralita ang madalas na walang access sa mga ospital at mga pagamutan.
Sisikapin ni Robredo na hindi maging hadlang ang kahirapan para maging malusog ang mga mamamayan.
“Ang programa sa kalusugan sisiguraduhin na hindi magiging hadlang ang kahirapan para makakuha tayo ng medical attention na kinakailangan natin. Kung kinakailangan maintenance medicine, dapat available ‘yun para sa inyo. Kung kailangan ng dialysis, dapat nakakapag-dialysis kahit mahirap. Kung kinakailangan– ano pang medical intervention, hindi magiging dahilan ‘yung kahirapan para hindi niyo makuha ‘yun,” bahagi ng talumpati ni Robredo sa Pototan, Iloilo people’s rally.
Tututukan din ni Robredo na maiangat ang antas ng kalidad ng edukasyon sa buong bansa. Sisimulan ito sa pagbubukas ng mga eskwelahan para sa face-to-face education sa mga lugar na low risk sa COVID-19.
Titiyakin na hindi hadlang ang kahirapan para magkaroon ng dekalidad na edukasyon ang bawat bata.
“Bubuksan na rin po natin ang mga eskuwelahan sa ligtas na paraan. Ibubuhos po natin ang puwersa ng estado para bawat bata, magkaroon ng dekalidad na edukasyon,” sinabi ni Robredo.
Kay Robredo, makakaasa ang Pilipino na “Angat Agad” ang kanilang pamumuhay dahil sa mga kongkretong plano para sa bansa at track record niya na malinis na pamamahala at tapat na serbisyo publiko.