Ibinigay na ng Department of Agriculture (DA) ang basbas para magsagawa na rin ng cloud seeding operations sa mga watershed areas ng Angat Dam.
Sa virtual presser ng DA, sinabi ni Assistant Secretary Noel Reyes na magpupulong sa September 22 ang Bureau of Soils and Water Management, PAG-ASA Weather Bureau at National Irrigation Administration para planuhin ang gagawing cloud seeding operations.
Naglaan na ng ₱6 million na pondo ang National Irrigation Administration para sa proyekto.
Nananatiling mababa ang lebel ng imbak na tubig sa Angat Dam dahil ang mga nararanasang pag-ulan ay hindi bumabagsak sa watershed.
90% ng water supply sa Metro Manila ay galing sa Angat Dam.
Una nang nakapagsagawa ng cloud seeding noong September 12 sa Pantabangan Dam upang mapatubigan ang ilang parte ng Central Luzon kung saan karamihan sa rice areas ay nasa critical reproductive stage na.