Angelica Panganiban, ibinunyag kung sinong ex ang ‘naaalala pa rin’ at ‘pinakamasarap’

16001
Photos via artists' social media accounts

Napasubo sa larong “Truth or Dare” si Angelica Panganiban sa vlog ng stylist at kabigan niyang si Patty Yap na ini-upload noong Hulyo 26.


Sa video, sinagot ng Kapamilya star ang mga tanong na kung sino sa mga ex-boyfriend niya ang naaalala niya pa rin ngayon at kung sino naman ang “pinakamasarap.”

Alam ng publiko na ang mga dating naging karelasyon ng aktres ay sina Carlo Aquino, Derek Ramsay, at John Lloyd Cruz.

Sa tanong na kung sino ang naiisip niya pa rin hanggang ngayon, sinabi niyang “‘yung pinakahuli, si John lloyd.”

“Kasi siya ‘yung pinakahuli. Parang mas fresh kasi yung memories mo doon,” aniya.

Paglilinaw niya naman, “Pero hindi na siya naaalala na, ‘Oh my god, gusto kong mamatay.’ Naalala mo lang, ‘Ay, kumain ako dito. Kasama ko nga noon si Lloydie.’ Parang gano’n.”

Wala na rin daw halong kilig pa ‘pag naaalala niya ang aktor at lalong wala raw sa kahit sino sa ex niya ang naiisip niya pa rin hanggang pagtulog.




Nagsimula ang relasyon ni Panganiban at Cruz noong magtambal sila sa pelikulang “24/7 In Love” noong 2012 hanggang sa kinumpirma nila ang hiwalayan noong 2016.

Samantala, si Derek Ramsay naman daw ang “pinakamasarap” sa mga nakarelasyon niya.

“Siyempre, kaya naman ako na-attract kay Derek dahil sa katawan niya. Siya naman talaga yung ma-abs, ganyan,” pag-amin ng aktres.

“Pero tatlo lang naman kasi sila so parang, so far, siya lang naman ang may abs sa lahat,” hirit niya.

Tumagal ng anim na taon ang relasyon ng dalawa na natapos noong 2012.

Sunod nito ay naging seryoso at malalim na ang usapan ni Panganiban at Yap sa video tungkol sa pag-ibig.

Aniya, sa pag-ibig, mahalaga ang “self-love.”

“Dapat sure na sure ka kung gaano ka-important ‘yung self mo para kahit anong sabihin sa’yo…”

“Mahirap magmahal kaya dapat nasa right state of mind ka.”

“Self-love na lang ang meron niyan, ‘tapos magdadasal ka na lang talaga palagi at maging mabuting tao ka, at ‘wag kang gagawa ng harm.”

Facebook Comments