Kagaya ng ilang personalidad, nagbigay na rin ng saloobin ang Kapamilya actress na si Angelica Panganiban tungkol sa pagpapatigil ng ABS-CBN.
Ayon sa aktres noong Martes ng gabi sa isang Facebook Live stream, iginiit nito na hindi ABS-CBN ang kalaban sa mga panahong ito.
Aniya, ang isyung dapat na hinaharap ngayon ay ang mass testing at ang pagbibigay ng ayuda sa mga nangangailangan.
Isa rin daw na dapat bigyang pansin ay ang pagiging handa ng healthcare system ng bansa sa gitna ng pandemiya.
“Ang issue ay kawalan ng trabaho ng milyon-milyong Pilipino. Ang issue ay kung saan kukuha ng pagkain ang bawat pamilya,” saad niya.
“Hindi po ABS-CBN ang kalaban. Virus ang kalaban. Iyan ang kailangan sugpuin, iyan ang kailangan nating sagutin,” dagdag niya.
Para kay Angelica, isang kapinsalaan para sa mga mamamayang Pilipino ang biglaang pagpapasara ng ABS-CBN.
Aniya sa panahon daw ng krisis ay mas makikita ang halaga ng network para sa pagbibigay ng impormasyon sa tao.
“Sa pagpapasara nila sa ating tahanan, hindi na po nila kayo binigyan ng kalayaang mamili dahil sila na lang po ang namili ng kung ano lang ang inyong dapat panoorin. Hindi po ito tama,” mensahe ng aktres.
Giit pa niya, dapat daw ay may kalayaang mamili at makapagpahayag sa isang bansang may demokrasya at hindi raw dapat diktahan ng iilang tao lang.
“Ipaglalaban natin ngayon iyong inyong karapatan at kalayaan na makapagpahayag ng inyong saloobin at sana po ganoon din po kayo sa amin,” saad niya naman pa sa mga tagasuporta ng ABS-CBN.