Bumuwelta si Angelika Dela Cruz sa netizen na pinagsalitaan siya dahil sa relief goods na kanyang ipinamigay sa Malabon, kung saan siya nagsisilbing kapitana.
Sa Instagram nitong Martes, inilabas ng aktres ang screenshot ng usapan sa Facebook, kung saan kinuwestiyon ng isang netizen ang natanggap niyang de-lata na iba raw sa nakuha ng ibang residente ng Barangay Longos.
Sagot dito ng isang netizen, “E bakit kasi p*tang *na ni Angelika.”
Hindi naman nagkapagtimpi ang aktres na ihayag ang saloobin hinggil dito.
Aniya, “Eto ‘yung taong binigyan mo na, mumurahin ka pa. Kahit pa konti-konti, madalas naman akong magbigay ng relief goods.”
“Tapos tag team sila ng ugali ng asawa niya na ang sabi, ‘P*ta naging ka-apelyido’ pa raw niya ako, nakakahiya raw na mapagkamalan na kamag-anak ko siya. Huwow kuya, feeling pogi mo naman… ang taas ng tingin ninyong mag-asawa sa sarili ninyo,” dagdag niya.
https://www.instagram.com/p/B_x3sr3pVmp/
Dumaing si Dela Cruz na kung sino pa aniya ang mga wala namang naitutulong, sila pang nagsasalita ng masama sa kapwa.
Nitong Mayo 1, ibinahagi ng aktres na natapos na sa nasasakupan niyang barangay ang fifth wave ng relief goods, at pinaghahandaan na nila ang susunod.
Wala namang nabanggit ang aktres sa plano niyang hakbang laban sa netizen.