Sinisilip na ng mga imbestigador kung ang napatay na convicted drug financier na si Calvin Tan ay target ng assassination sa nangyaring riot sa New Bilibid Prison (NBP).
Si Tan ay miyembro ng Sigue Sigue Sputnik gang at isa sa apat na inmates na namatay sa riot.
Ayon kay Bureau of Corrections Spokesperson Gabriel Chaclag, isa ito sa tinitingnan nilang motibo.
Maging ang National Bureau of Investigation (NBI) ay sinisilip na rin ang ganitong posibilidad.
Sinabi ni Chaclag na marami silang record ng CCTV footages sa pangyayari kaya susuriin nila ang mga ito.
Ang mga video recordings ng insidente na na-post sa social media ay makakatulong din sa kanilang imbestigasyon.
Nabatid na pinatawan ng habambuhay na pagkakakulong noong 2012 si Tan ng Cebu City Regional Trial Court (RTC) dahil sa nadiskubreng megal illegal drugs laboratory noong 2004 kung saan ₱1.3 billion na halaga ng shabu ang nasabat ng pulisya.
Pagtitiyak ng BuCor na patuloy ang kanilang pagbabantay sa sitwasyon sa Bilibid at paiigtingin ang paghahalughog sa mga nakakalusot na kontrabando.