Hindi pa sarado ang kaso ng pagkamatay ng artist na si Bree Jonson.
Ito ang nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa press conference kanina kaugnay sa ika-120 anibersaryo ng Police Service.
Aniya, patuloy ang usad ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Bree kahit pa may initial findings na “Asphyxia” ang kinamatay ng dalaga base sa autopsy.
Dagdag pa nito, sa ngayon ay hinihintay pa nila ang resulta ng histophatological examination o pagsusuri sa tissue ni Jonson at posibleng abutin ito ng isa pang linggo bago lumabas.
Patuloy rin aniya na nangangalap ng ebidensya ang binuong Special Investigation Task Group tungkol sa kaso.
Natanggap na raw nila ang kopya ng CCTV sa labas ng kwarto ni Bree.
Nakakuha na rin sila ng mga salaysay sa mga tao sa resort sa La Union na tinuluyan ni Bree.
Kaugnay nito, muli namang siniguro ni Eleazar na wala silang sasantuhin sa kaso at magiging patas sila sa imbestigasyon.