Cauayan City, Isabela- Inihayag ni Regional Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA) Region 2 na maayos ang naging ani ng mga magsasaka ng mais at palay sa buong Lambak ng Cagayan sa unang quarter ngayong taon.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay RD Narciso Edillo, kanyang sinabi na walang naging problema ang mga magsasaka sa pag-aani ng kanilang mga pananim dahil hindi naman aniya tinamaan ng peste o sakuna.
Ito’y dahil na rin aniya sa maayos na irrigation system sa mga palayan sa rehiyon.
Dagdag pa ni Ginoong Edillo, maayos rin ang presyo ng palay at mais sa rehiyon na kung saan naglalaro sa presyong 13 hanggang 14 pesos ang bili sa kada kilo ng mais habang nasa 17 hanggang 20 pesos sa bawat kilo ng palay.
Umaasa naman si Ginoong Edillo na magpapatuloy ang magandang ani ng mga magsasaka kahit nasa gitna ng pandemya.
Samantala, naipamahagi na rin ng nasabing ahensya ang inisyal na tulong pinansyal para sa mga hog raisers sa rehiyon na naapektuhan ng sakit ng baboy o African Swine Fever at hinihintay na lamang ang karagdagang pondo mula sa pamahalaan upang matulungan ang lahat ng mga naapektuhan ng culling operations.