Anibersaryo ng NPA, Lalong Pinaghahandaan ng 5th ID!

452

Cauayan City, Isabela- Lalong paiigtingin ng pamunuan ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang pagbabantay sa kanilang nasasakupan lalo na ngayong nalalapit na anibersaryo ng New People’s Army (NPA).

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Army Major Noriel Tayaban, pinuno ng Divisions Public Affairs Office (DPAO), patuloy ang kanilang maigting na operasyon kontra sa mga rebelde na gumagalaw sa Central Front ng Isabela na nagsasagawa ng extortion o pangingikil sa mamamayan.


Kasunod ito sa nangyaring sagupaan sa tropa ng 86th Infantry Battalion at NPA sa Brgy. Villa Rey, Echague, Isabela noong Sabado ng hapon, Disyembre 14, 2019 kung saan ay nag-ugat ang engkuwentro dahil sa kanilang extortion activities.

Nilinaw ni Maj. Tayaban na ang mga nag-ooperate sa Central Front ng Isabela ang nakasagupa ng kasundaluhan sa bayan ng Echague na ikinasawi ni Cpl Adonis Valera ng Pinukpok, Kalinga at ikinasugat nina Cpl Harold Ganagan ng Tinglayan, Kalinga at Cpl Fajardo Manuel ng Paracelis, Mt. Province.

Nagpapalit lamang ang mga ito ng kanilang alyas kung sila’y nagtutungo sa ibang lugar upang ipakita sa mamamayan na marami at malakas pa ang kanilang puwersa.

Gayunman, sinabi pa ni Maj. Tayaban na laging nakahanda ang kanilang tropa sa anumang binabalak na gawin ng mga rebeldeng grupo lalo’t pinaghahandaan umano ng mga ito ang kanilang anibersaryo ngayon buwan ng Disyembre.

Patuloy rin ang kanilang pagtugis sa mga teroristang grupo upang hindi na makapaghasik ng takot at karahasan sa mga mamamayan.




Facebook Comments