Magnanakaw ng donation box sa isang simbahan sa Kalibo, arestado

186
Images from Rhenz Buenjo Navida/Energy FM
Tila magpapasko sa kulungan ang isang lalaki matapos umanong magnakaw ng donasyon sa isang simbahan sa Kalibo, Aklan.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Luther Ortega, 30, residente sa Malinao, Aklan.

Ayon sa pulisya, pinasok ng kawatan ang adoration room ng St. John the Baptist Cathedral noong Martes ng gabi at tinangay ang laman ng sinirang donation box.

Naaresto si Ortega makaraang bumalik sa simbahan at magtangka ulit mangulimbat ng pera.

Tumatak sa awtoridad ang hitsura ng salarin dahil nahagip ng CCTV ang nangyaring pagnanakaw.

Aabot sa P4,000 ang narekober sa suspek na pinaghihinalaang galing sa donation box.

Nahaharap sa kasong robbery si Ortega na kasalukuyang nakapiit sa Kalibo Police Station.



Facebook Comments