Anim na miyembro ng Abu Sayyaf Group, naaresto ng militar

Manila, Philippines – Arestado ang anim na miyembro ng Abu Sayyaf Group sa isinagawang operasyon ng joint task force Sulu sa Tongkil Sulu kamakalawa.

Ayon kay Joint Task force Sulu Commander Brigadier General Cirilito Sobejana, naaaresto ang mga ito matapos ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng pitong miyembro ng ASG at mga mangingisdang sakay ng commercial fishing boat na Nancy 888 sa Saluping Island sa Sulu.

Nagtangka umanong mangotong ang mga bandido sa mga sakay ng fishing boat pero lumaban ang mga biktima dahilan ng pagkasawi ng boat captain at tagapagluto ng fishing boat.


Habang hindi naman natukoy ng militar kung may nasawi sa panig ng pitong mga bandido.

Agad namang nagsagawa ng manuever ang mga barko ng militar sa bahagi ng Mamongan Island Tongkil Sulu pasado alas- 2:00 ng hapon noong Lunes dahilan ng pagkaka-aresto sa anim na ASG.

Nakuha sa mga ito ang isang baril na M16 rifle.

Sa ngayon nasa Zamboanga City na ang mga naarestong bandido at isinasailaim sa imbestigasyon para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga ito.

Facebook Comments