Nanawagan ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa biktima ng anim na pulis sa Caloocan na sangkot sa pagnanakaw na makipagtulungan ng husto sa mga awtoridad.
Ang panawagan ay ginawa ni PNP Public Affairs Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba, kasabay ng pagtiyak na nasa restrictive custody na at iniimbestigahan na ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ang nasabing mga pulis ng Caloocan Drug Enforcement Unit.
Ayon kay Gen. Alba, nangangalap na ng ebidensya ang IAS para malaman ang katotohanan sa insidente at matukoy kung may administrative liability ang mga ito.
Una nang sinibak sa pwesto ang mga naturang pulis para bigyang daan ang isang impartial na imbestigasyon sa kaso.
Matatandaang nakunan ng CCTV ang insidente kung saan akusado ang mga pulis ng pagnanakaw ng ₱14,000 sa biktimang si Eddie Yuson nitong March 27.
Nagsasagawa umano ng anti-illegal drug operation ang mga pulis nang mangyari ang insidente.
Ang mga pulis na suspek ay sina PCpl. Noel Espejo Sison, PCpl. Rommel Toribio, PCpl. Ryan Sammy Gomez Mateo, PCpl. Jake Barcenilla Rosima, PCpl. Mark Christian Abarca Cabanilla, at PCpl. Daryl Calija Sablay.