Aning Palay ng mga Magsasaka sa Cagayan Valley, Hinimok na ibenta sa NFA

Cauayan City, Isabela- Hinihikayat ngayon ng National Food Authority ang lahat ng magsasaka sa buong lambak ng Cagayan na mangyaring ibenta ang kanilang ani na palay sa presyong P19.00 kada kilo (CLEAN and DRY).

Ayon kay Ginoong Elimar Regindin, acting Asst. Regional Director, 100 sako ng aning palay kada ektarya ang bibilhin ng ahensya sa mga magsasaka bilang tugon sa hinaing ng mga ito sa mababang presyuhan ng palay kung maibenta sa mga traders.

Aniya, kinakailangan na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na NFA buying station sa inyong lugar para maibenta ang mga naaning palay kung saan mayroong 21 buying stations sa lalawigan ng Isabela.


Maari ding ibenta ang mga aning palay kahit weekend maging holidays subalit kailangan ng koordinasyon sa mga nakatalagang tauhan ng NFA sa bawat buying stations.

Hinihimok din ang iba pang magsasaka na magbenta ng aning palay dahil hindi naman kinakailangan na maging miyembro sa NFA subalit kailangan lang na magkaroon ng patunay na ang isang indibidwal ay lehitimong magsasaka kung kaya’t kailangan kumuha ng certification mula sa Municipal/City Agriculturist habang ipinoproseso ang farmers Passbook.

Giit pa ni Regindin, sa mga unang beses na magsasakang magbebenta ng aning palay ay pinapayagan ang 200 sako ng palay ang maibenta sa ahensya.

Maliban sa clean and dry, tumatanggap din ng mga basa na aning palay ang ahensya depende sa moisture content.

Sa ngayon ay mayoon ng 110,000 bags ang nabili na ng NFA Isabela mula sa mga magsasaka.

Facebook Comments