Hindi tumalab ang mga pambabatikos kina Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III kaugnay sa kung ano ang kanilang nagawa dahil sa inilatag na mahabang listahan ng accomplishment.
Ipinaalala ni Lacson na bilang miyembro ng lehislatura, pangunahing tungkulin ng senador gaya niya at ni Sotto ay magbalangkas ng batas na direktang mangangalaga sa kapakanan ng iba’t ibang sektor. Gayundin ang pag-iimbestiga sa mga anomalya sa pamahalaan at ingatan ang interes ng taumbayan, lalo na ang pambansang badyet.
Ang implementasyon naman ng mga batas na ito ay nakaatang sa Presidente at Bise Presidente kaya hindi dapat na hanapin kina Lacson at Sotto ang pagpapatupad sa mga programa na hindi naman sila ang nagplano.
Sinabi ni Lacson na tumutulong siya sa iba’t ibang pamamaraan para maibigay ang pangangailangan ng mga Pilipino na biktima ng kalamidad at mga pang-aabuso ngunit hindi siya nakiki-epal tulad ng ginagawa ng ibang kandidato na idinadaan sa papogi ang pagtulong.
“Hindi ako kulang sa ‘on the ground’. Hindi lang talaga ako ma-epal tuwing magbibigay ng tulong sa mga kalamidad man o sa mga indibidwal na tulong,” pahayag ni Lacson sa Twitter nitong Miyerkoles.
“‘Yun palang pinatino ang PNP (Philippine National Police), nilabanan ang korapsyon sa pera ng bayan at 18 taon na maraming mahalagang batas na inakda ay walang ginawa! Aba, bago ‘yun ah!” tweet rin ni Sotto.
Sa panayam ng DZMM “On the Spot Vice Presidential Interview” ipinaliwanag ni Sotto ang ilan sa mga batas at imbestigasyon na kanilang isinulong at pinangunahan ni Lacson bilang mga senador.
Kabilang dito ang imbestigasyon sa maanomalyang paggastos ng pondo ng PhilHealth, smuggling sa mga produktong agrikultura, implementasyon ng Good Conduct Time Allowance ng Bureau of Corrections, at alegasyon ng tampering noong 2016 presidential and senatorial elections na kinasasangkutan ng Smartmatic.
“Makikita niyo naman siguro ang independence namin e,” lahad ni Sotto, na principal author ng Dangerous Drugs Act of 2002 na nagresulta sa pagbuo ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Ayon pa sa tambalang Lacson at Sotto, sa lahat ng mga kandidato sa dalawang pinakamataas na posisyon sa gobyerno ngayong Halalan 2022 ay tanging sila lamang ang may mahaba nang karanasan—si Lacson ay 18 taon bilang senador habang si Sotto ay 24 na taon—sa national government.
Kaya naman sinisiguro nina Lacson at Sotto na makakaya nilang ipatupad ang mga batas na sila rin mismo ang lumikha.
“Madaling gumawa ng batas pero ang problema pagka sa execution doon nagkakaloko-loko e,” ayon kay Lacson, na nakilala sa pagtatanggal ng kotong cops nang pamunuan niya ang PNP, at senador na tagapagbantay ng mga anomalya sa badyet.
Hinimok ng Lacson-Sotto tandem ang lahat ng mga botante na huwag basta magpadala sa mga kandidato na naninira ng mga katunggali para lamang iangat ang sarili, at sa halip ay dapat na iangat ang diskusyon sa politika sa pamamagitan ng paglalahad ng mga solusyon na nakabase sa matalinong pagpaplano na hindi dinadaan sa matamis na salita.