Manila, Philippines – Kinumpirma na ng Commission on Appointments (CA) ang pagkakatalaga kina interior and local Govt. Secretary Eduardo Ańo, Social Welfare and Development Secretary Rolando Joselito Bautista at kay Atty. Aileen Lourdes Lizada bilang Commissioner ng Civil Service Commission.
Kasama ding nakalusot sa CA ang 43 mataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines.
Kasama dito si Marine Colonel Ferdinand Marcelino na naging kontrobesyal makaaraang maaresto at maditine dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga na ibinasura na ng korte.
Sa CA committee hearing ay naging emosyonal pa si Marcelino sa paglalahad ng kanyang sinapit kung saan napakadali syang naipakulong pero dahil mabagal ang ating justice system ay napakatagal na napatunayang siya ay wala talagang kasalanan.
pinasalamatan ni Marcelino ang lahat ng nanatili sa panig niya at tiniyak niyang hindi siya bibitaw sa kanyang tungkulin.
Magugunitang si Marcelino ay inaresto sa isang raid sa shabu laboratory sa Sta. Cruz Manila noong January 2016.
Pero ang kanyang dinepensa, nagkataong nagsasagawa siya ng surveillance noong magsagawa ng raid.
Samantala, kasama ding nakumpirma ang 5 ambassador at isang opisyal ng Department of Foreign Affairs.