‘Ano ‘to Maynilad?!!’ Residente ng QC, umabot sa P100k ang water bill

COURTESY DOMINIC SIONGCO

Tila nalunod ang isang residente sa Quezon City nang makita ang kanilang water bill para sa isang buwang konsumo.

Kung dati ay naglalaro lamang sa P1,000 hanggang P2,000 ang babayaran ni Dominic Songco, ngayong Hulyo ay umabot ito ng mahigit P100,000.

Dahil sa sobrang inis at galit, ipinost ng lalaki ang natanggap na water bill mula sa Maynilad sa kaniyang Facebook, kung saan umani ito ng samu’t-saring pambabatikos.


“Ano ‘to Maynilad!!!? Inflatable pool lang gamit namin… pero ‘yung bill niyo sa’min para kaming may resort,” saad ni Songco.

Sa isang ulat, inamin ng Maynilad ang naging pagkakamali at agad din silang humingi ng paumanhin sa nangyaring aberya.

Batay sa pagsisiyasat ng kompanya, posible raw may nagkamali sa pagbabasa ng metro ng tubig noong Hunyo kaya pumalo ang bill sa P100,427.48.

Pero iginiit ng water concessionaire na isolated case ang inireklamong bayarin sa tubig.

“Ang binabasa ng isang meter reader ay isang libo. Kung bubuuin ‘yung kaniyang binabasa sa isang araw, medyo marami-raming metro rin ito. May mga pagkakataon na nakakapag-input ng maling numero,” pahayag ni Zmel Grabillo, tagapagsalita ng Maynilad, sa ulat ng 24 Oras.

Para maiwasan ang pagtataka o pagkagulat, maaring bantayan ng kostumer ang kaniyang metro. Kapag napansing gumagalaw ang malilit na wheel kahit nakapatay ang lahat ng water outlets, puwedeng may leak na sa loob ng inyong bahay.

Kung nakabukas naman ang inyong water outlets at hindi naman gumagalaw ang maliit na “wheel” ng metro, tiyak na depektibo ito.

Facebook Comments