Anomalya sa private motor vehicle centers, ipasisiyasat sa Kamara

Ipapasilip din sa Miyerkules ang mga reklamo ng anomalya kaugnay sa Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs) kasabay ng imbestigasyon sa Child Car Seat Law.

Ang imbestigasyon ay kaugnay na rin sa inihaing House Resolution 1518 ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez matapos na makatanggap ng mga reklamo sa mga motorista na may katiwalian na nagaganap sa private vehicle inspection centers.

Itinatag ang PMVIC bilang kapalit ng private emission testing centers na susuri at titiyak na nasusunod ang standards sa emission at roadworthiness ng mga sasakyan.


Aabot sa 138 motor vehicle inspection facilities sa buong bansa ang na-accredit ng Land Transportation Office (LTO).

Subalit, ayon kay Rodriguez, maraming ulat ng inconsistencies at anomalya ang naisumbong patungkol sa private inspection centers.

Lumalabas sa mga reklamo na walang sapat na training, kaalaman at kagamitan ang mga centers at nagdodoble pa ang singil dahil pinapabalik-balik at hindi naiinspeksyon ng mabuti ang mga sasakyan.

Dahil dito, hinikayat ni Rodriguez ang Department of Transportation (DOTr) at ang LTO na suspendehin muna ang bagong motor vehicle inspection program habang may imbestigasyon at nakakaranas pa ng pandemya ang bansa.

Facebook Comments