Cauayan City, Isabela- Kasalukuyang pa ring hinihintay ng kamara ang bersiyon ng senado sa panukalang batas na anti 555 o endo.
Ito ang sinabi ni Cagayan 3rd District Representative Randolph S. Ting na siya ring Chairman ng House Committee on Labor and Employment sa ginawang panayam ng DWKD RMN Cauayan sa programang Straight to the Point kaninang umaga.
Ayon kay Cagayan 3rd District Representative Ting, ang isa sa pangunahing karga ng panukalang batas na natapos na sa hanay ng kamara ay para tanggalin ang labor only contracting na kasalukuyang ginagawa ng mga ilang job contractors.
Sa kanilang natapos na panukala sa mababang kapulungan ay laman din nito ang mga apat na bagay na mayroon dapat ang isang job contractor gaya ng sapat na kapital, nireregular ang kanyang mga empleyado, mayroon siyang kontrol sa mga ito at sapat na kagamitan ng mga empleyado nito.
Isa pa sa laman ng panukala ay ang obligadong pagbabayad ng isang employer ng katumbas ng kalahating buwan na sweldo sa kanyang empleyado na hindi paabutin sa regularisasyon.
Sa pamamagitan nito ay mas magiging mahal sa panig ng employer ang palaging pag-eendo sa kanyang mga empleyado.
Ipinaliwanag pa niya na sa panahon ng kanilang mga hearings habang ginagawa ang bersiyon ng kamara ay kanilang nakita ang kadalasang ginagawa ng mga ilang negosyante na sadyang hindi na pinapaabot ng anim na buwan ang mga empleyado nila upang makaiwas sa obligasyong hinihiling ng mga batas.
Sinabi pa niya na sa kanilang panig sa kamara ay hinihintay lang nila ang katumbas na bersiyon ng senado at handa naman silang dadalo sa bicameral conference committee hearing kapag isailalim na ito sa masusi pang pagsasayos.
Magugunita na ang napapabalitang Executive Order kontra endo na sana ay pipirmahan ni Pangulong Duterte ay hahanguin sa natapos na bersiyon ng kamara na anti endo bill.
Tags: Cagayan 3rd District Representative Randolph S. Ting, DWKD985Cauayan, RMN Cauayan, Cauayan City, Isabela, Luzon, Cagayan