Lusot na sa ikalawang pagbasa ang panukalang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act o ang Senate Bill 2432.
Bago makalusot sa ikalawang pagbasa ang panukala ay dumaan muna ito sa individual amendments na inilatag nina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senator Chiz Escudero.
Pinapawalang-bisa ng panukala ang naunang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 kung saan ay ituturing na ring kasong economic sabotage ang smuggling, hoarding, profiteering at pagka-cartel ng mga agricultural products.
Kapag naisabatas, ang mga lalabag ay mahaharap sa habambuhay na pagkakabilanggo at ito ay walang bail o pyansa.
Bahagi rin ng isinusulong na ito ang pagtatatag ng anti-smuggling court para mapabilis ang paglilitis sa mga smuggling cases.
Dahil certified as urgent ng pangulo, inaasahang agad din itong aaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Mataas na Kapulungan.