Bigo ang Bureau of Customs (BOC) sa pagpapatupad ng batas na Anti-Agricultural Smuggling Law.
Ayon kay Committee on Agriculture and Food Chair Senator Cynthia Villar, matapos ang pitong taon nang ito’y maisabatas ay wala pa ring nahahatulan at nakukulong sa paglabag sa batas na ito.
Dahil dito, isinusulong ng senadora na magkaroon ng mga amyenda sa naturang batas.
Sa naging pagdinig ng Senado, inamin ng Customs na wala pang nahahatulan sa ilalim ng batas.
Kabilang umano sa mga problema kaya nagkakaroon ng non-conviction ay ang mataas at maraming requirements para sa pagsasampa ng non-bailable cases na may kaugnayan sa economic sabotage violation.
Ilan pa sa mga panukalang amyenda ang pagsasama sa gawaing maituturing na economic sabotage ang hoarding, profiteering, at cartel ng agricultural products.
Sang-ayon naman ang BOC sa pag-standardize ng valuation ng mga imported na produkto na ngayon ay nasa discretion ng mga custom examiner.
Ipinunto sa pagdinig kahapon na ito ang isa sa dahilan kaya hindi matapos tapos ang talamak na korapsyon sa ahensya na madalas umanong nangyayari sa mga ports.