Manila, Philippines – Pinaiimbestigahan ng Kamara sa Department of Health (DOH) ang apat na batang namatay matapos na mabakunahan ng kontrobersyal na dengvaxia.
Sa interview ng RMN kay House Committee on Health Chairman Quezon City Rep. Angelina Tan nais niyang silipin ng DOH ang medical records ng mga nasawi matapos sumailalim sa inoculation, partikular ang biktimang si Christine De Guzman na tumanggap ng dengvaxia noong April 16, 2016 at namatay noong October 15, 2016 matapos tamaan ng dengue.
Sa ngayon ay ipina-uubaya ng Komite sa DOH ang imbestigasyon hinggil sa epekto ng anti-dengue vaccine.
Base sa draft report ng house committee on health, nasa 997 na mga bata sa mga pampublikong paaralan ang nagkasakit limang-buwan matapos umanong mabakunahan ng dengvaxia.
Dalawa ang namatay na ayon sa DOH, pero base sa impormasyong ng Komite ng Kamara, apat na batang nabakunahan ang nasawi, dalawa mula sa Bataan at dalawa sa Bulacan.