Anti-Elder Abuse Act, pina-aaprubahan na sa Kamara dahil sa posibleng pagtaas ng kaso ng mga naaabusong matatanda ngayong COVID-19 pandemic

Tiniyak ni Senior Citizens Partylist Rep. Francisco Datol na aaprubahan ng Special Committee on Senior Citizens ang Anti-Elder Abuse Act.

Ayon kay Datol, nangangamba siya sa pagtaas ng insidente ng mga sinasaktan at naaabusong senior citizens sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Bukod sa pananakit ay posibleng sinasamantala rin ng ilan ang kahinaan ng mga matatanda sa pamamagitan ng pagkuha sa kanilang mga pensyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o sa Local Government Units (LGUs).


Tiniyak ni Datol na aaprubahan ng kanyang komite ang panukala na maglalatag ng programa para sa proteksyon ng mga lolo at lola.

Maliban dito ay nakasaad din sa panukala ang pagprotekta sa kanilang ari-arian at mandatory programs, at services para sa mga senior citizen na nakaranas ng pang-aabuso.

Facebook Comments