Naniniwala ang grupong Nagkaisa Labor Coalition na binobola lamang ni Pangulong Duterte ang mga manggagawa dahil hindi umano prayoridad ng pangulo ang naturang panukalang batas makaraang ibasura ng pangulo noong July 26, 2019 kaya hindi naisabatas ang Anti-Endo Bill.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition President Atty. Sonny Matula, hindi na umaasa ang mga manggagawa na maisabatas ang Anti-Endo Bill makaraan umanong mapahiya ang karamihan sa kanilang hanay nang ibinasura ng pangulo ang tutuldok sana ng kontraktwalisasyon.
Paliwanag ni Atty. Matula ang kampanya umano ng Duterte Administration na wakasan na ang “endo” ay “ningas cogon” na isang propaganda lamang dahil bumabalik lamang sa dating gawi na kung hindi ka papasok sa trabaho wala kang sahod na matatanggap mula sa mga nagsasamantalang employers.
Sa panig naman ni Partido Manggagawa Chairman Renato Magtubo, kung naboladas umano ni Pangulong Duterte ang mga manggagawa, mangangampanya umano sila na EnDoterte upang bigyan daan ang ibang manunungkulan sa gobyerno na makatutulong sa kanilang hanay.
Ayon naman kay Public Services Labor Independent Confederation President Annie Geron, hindi na umano nasorpresa sa naging hakbang ng gobyerno dahil mahigit 300,000 Barangay workers na nagtatrabaho ng hindi umano binabayaran at proteksyon bilang fronliners sa panahon ng COVID-19 pandemic.