Anti-Epal Bill, hindi na kailangan- kongresista

Manila, Philippines – Iginiit ng ilang mga mambabatas na hindi na kailangan na magkaroon ng batas para sa mga epal na pulitiko.

Ito ay kasunod na rin ng pagbuhay muli sa Senado ng Anti-Epal Bill.

Giit dito ni Deputy Speaker Miro Quimbo, hindi na kailangan isabatas ang anti-epal bill para lang maiwasan ang mga ganitong klase ng mga pulitiko.


Payo ni Quimbo, ipaubaya na lamang sa publiko ang paghahatol sa mga epal politicians sa pamamagitan ng pag-educate sa mga tao at hindi pagboto sa mga ito.

Ayon naman kay CIBAC PL Rep. Sherwin Tugna, handa naman nilang suportahan ang ganitong panukala.

Iginiit ng kongresista na ang mga government projects at programs ay pondo naman ng taumbayan at hindi ng mga pulitiko.

Sinabi naman ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin na tama lang din ang pagbabawal sa mga epal na pulitiko dahil unethical na maituturing ang ginagawa ng maraming pulitiko na inilalagay ang pangalan sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.

Isinusulong ni Senator Manny Pacquaio ang panukala na nagbabawal sa mga pulitiko na ibandera ang mga mukha at pangalan sa mga proyekto at mahaharap ang sinumang pulitiko na lalabag sa parusang multa na isang milyong piso o di kaya ay pagkakasibak sa pwesto.

Sa Kamara ay nauna na itong naihain ni Surigao Rep. Robert Ace Barbers noong 1st regular session kung saan ang parusa sa mga pulitikong epal ay anim na buwang pagkakakulong o kaya ay multang 100,000 hanggang 1 milyong piso.

Facebook Comments